may lungkot sa katahimikan
mga matang hindi mawari kung paano at saan
titingin na parang ‘di alam ang daan
saan makikita ang minimithing kapayapaan?
bubulong-bulong sa isang sulok ng silid
umaasang may makadidinig
may tao pa ba d’yan sa paligid?
may nakadidinig ba sa munting tinig?
basa ang sahig
sa pagbuhos ng dalamhati at sakit
kitang kita ang repleksyon ng mga kamay na nanginginig
at mga labing tila may ginigiit
naroon ako
mula sa malayo ay kita ko ang lahat
nakapanlulumong panoorin
tila isang eksenang kay bigat
wala akong nagawa
hindi ko siya maabot
hindi ko alam kung anong nagdulot
hindi ko rin alam ang mga sagot
sinubukan kong lumapit
iniisip na sana kaya ko siyang tulungan
ngunit napahinto ako nang ilang saglit
habang napagtatantong salamin pala ang aking tinititigan
ako ay siya
siya ay ako
patuloy ang pagkalito
sa mundong walang tigil sa pagbabago
Sa matagal-tagal na panahon, natutulog ako na walang kapayapaan sa puso dahil sa mga nagaganap sa paligid, sa bansa. Tunay na nakakalungkot ang mga pangyayari. At kasabay ng lungkot na ito ay ang isa pang lungkot sa tila pagka-walang pakialam ng ilan (na iba pa’y katumbas ay marami) sa mga isyu na kinakaharap ng bayan. Minsan ay nakakagalit. Kadalasan ay nakakaiyak. Inaamin ko na dahil dito, minsan kinekwestyon ko kung tama ba ang paghubog sa’kin ng mga magulang ko at ng mga tao sa institusyong kinalakihan ko at naging ganito ako. Bagaman ganito, lagi’t lagi akong humahantong sa sagot na tama lang na ipaglaban ang karapatan nating mga mamamayan; na hindi masamang punahin ang mga kapalpakan at kabaluktutan ng pamahalaan; na walang mangyayari kung hindi natin ipaparinig ang ating mga hinanaing.
Ngunit dumating ang panahon, at ngayon ay nandito tayo, na nalagay sa panganib ang mga nabanggit na kasagutan ko sa sarili. Pamilyar ang mga eksena. Naganap na ito noon. Nadama ko nang saglit ang takot para sa sariling buhay at para sa mga taong patuloy ring lumalaban para sa mga karapatan. Nadama ko ang pangamba ng mga tao sa paligid ko na tila kulang na lang ay sabihan akong manahimik na lang dahil baka ipadampot ako. Nauunawan ko naman sila, pero hindi ako titigil. Nadama ko ang kaba, ngunit dumating ang araw na natabunan ito ng pag-asa. Sa wakas.
Tila nasilayan ko nang bahagya ang sikat ng araw nang makita kong nagsisimula na ring magsalita at manindigan ang ilan sa mga taong kay tagal kong hinintay gawin ito. At sigurado akong hindi lang ako ang naapektuhan sa kanilang pagtindig laban sa kawalan ng hustisya dahil may mga nakausap din ako na sinasabing nabuhayan sila n’ong makita nila na unti-unti nang nagsasalita ang mga tao. Sana alam ng mga taong ito kung gaanong kahit sa isang simpleng pahayag nila ay maraming nabuhayan at naging payapa ang kalooban dahil, sa wakas, dama na na sama-sama tayong lumalaban para sa bayan - kasalukuyan at kinabukasan.
May kapangyarihan sa pinagsama-sama at nagkakaisang mga boses.
Mahalaga ang boses ng bawat isa.
Mahalaga ang boses mo.
‘Wag tayong titigil. ‘Wag nating kakalimutan na ang kalaban ay ang kasamaan, hindi ang taumbayan.
Naniniwala akong magtatagumpay tayo.
P'wede bang hayaan munang marinig ang mga sigaw at madama ang galit ng mga inaapi?
At p'wede bang tumigil na ang ikot ng mundo ng mga mapang-api?
busalan man ang bibig
patuloy kaming iimik
walang makapipigil sa sama-samang mga tinig
walang makapipigil sa galit na mga himig
umiikot ang mundo habang tayo'y nagkakagulo
sumisikat ang araw ngunit pili lang ang nakakatanaw
— silang mga nasa itaas
ang sistema'y 'di pa rin patas
kaliwa't kanang patayan
hindi na malaman ang lulugaran
ang iba'y umaasa sa mga santo
nakakaawa tayong mga ordinaryong tao
Umaga na naman. Ang isipan ko'y walang laman.
May mangyari kayang maganda ngayong araw?
Bahala na siguro.
Aasa na lang ulit na may makabuluhang maganap. Nawa'y sipagin sa mga kailangan at dapat gawin. Nawa'y magkaroon ng motibasyon. Nawa'y sumigla kahit na papaano. Nawa'y masilip ang kinabukasan upang 'di na magkaganito. Nangangamba pa rin ako; na sa ganitong sistema ay wala akong patunguhan; na walang magandang mai-ambag sa lipunan; at dumating ang araw na mapagod ang mga sa akin ay nagmamahal.
Sumikat na ang araw at ito'y muling lulubog.
Nawa'y may motibasyong sa akin ay dumulog.
Hindi ko mawari ang kalungkutang nadarama. May halong pag-aalala. May halong pagkadismaya. Nakakapanibago ang lahat. Mailap ang mga pagkakataon. Nakakatakot ang kinabukasan kung ganito ang kasalukuyan. Nagkakaubusan. Magkakaubusan. Ako ba'y may pupuntahan? Nakakahiya nang umasa sa iba. Nakakapagod.
Mula sa maliwanag ay nangangapa na lamang ako sa dilim. Nagbabakasakali na may makuha o mahawakan man lamang na kanais-nais. At kung mayroon ma'y umaasang ito'y mapakinabangan nang pangmatagalan.
Sa ngayon, hindi ko pa alam. Siguro'y patuloy muna sa pagkapa sa dilim. Siguro'y patuloy muna sa pag-asa na may makakamit din. Tingnan natin.
patuloy tayong lalaban
hanggang makamit ang kalayaan
patuloy tayong sisigaw
hanggang marinig ang bawat hiyaw
patuloy tayong iibig
at hindi magpapalupig
kung ang mga nasa itaas ay pumapatay
patuloy tayong lalaban para sa buhay
minuto, segundo; hindi natin alam
kailan nga ba'ng dating sa paroroonan?
ano kayang hitsura ng kinabukasan?
halika't sabay nating tunghayan
magkasama tayo sa paglalakbay
haharapin lahat nang magkaakbay
buhay ko'y binigyan mo ng saysay
ang makasama ka'y isa nang tagumpay
hirap at dusa'y hindi maiiwasan
sadyang may mga bato sa nilalakaran
gayunpaman, ikaw ay sasamahan
basta't kamay ko'y iyong kapitan
gaano katagal nga ba ang paghihintay?
ilang oras pa ang kailangang ibigay?
ang makasama ka man ay isa nang tagumpay,
isa pang tagumpay sa'yo ay iaalay.
sa unti-unting paghubad ng aking mga damit
wala akong sa'yo'y ipagkakait
ngunit kung hahanap pa ng dito ay mas nakahihigit
walang mailalabas kahit sa sarili ay ipilit
ang pagtatago ng kung ano pa man ay wala sa mga pamimilian
bawat parte ng aking pagkatao ay maaaring iyong pagmasdan at hawakan
maging ang babasagin sa mga kasuluk-sulukan
ganoon kita pinagkakatiwalaan
ngunit
ako kaya'y
pinagkakatiwalaan din?
komplikado ang pagkakataon
hindi maintindihan yaring panahon
hindi malaman kung saan lilingon
sana'y paniwalaan kahit man lamang sana ngayon
kung ang lungkot ay itatawa
ako'y buong maghapong humahalakhak na
at sa pagitan ng bawat halakhak ay ang pagbigkas ng
pangalan mong paulit-ulit na sinasambit ng damdamin ko
tatlumpung araw na mawawalay
tiyak na hindi papayag ang puso na masanay
tila sanggol na hinahanap ang kanyang nanay
o di kaya'y isang batang naghahanap ng mauuwiang bahay
bagaman nag-uumapaw ang lungkot
ang 'di pagkikita'y may mas mainam na maidudulot
susubukin ang pagkatatag
tayo nama'y 'di matitinag
sa hindi pagsuko
sa patuloy na pag-unawa
sa walang tigil na pagkilala
patuloy ang buhay
patuloy ang paglalakbay
patuloy
siguro’y sa pag-iisa, makikila ka
na sa panahong walang makasama, darating ka
kailanman, saanman, ‘di ko alam
hihinto rin ang puso sa pag-aasam
siguro’y sa pag-iisa, masasagot na
kung bakit sagana ang utak sa mga haka-haka
baka nga ganito, baka nga ganyan
napupuno ang mundo ng walang kasiguraduhan
sa aking pag-iisa, sana’y makita
kaligayahang ‘di umaasa sa kasiyahan ng iba
na ‘di na kailangang sumama nang sumama
dahil napapagal din ang puso sa araw-araw na pakikisama
siguro’y sa ating pag-iisa, tayo’y magkikita
na tila may mga kamay na sa ati’y humihila
maaaring magkasalubong lamang, maaaring huminto na magkaharapan
kung ano pa man, may matatagpuan din sa hangganan
galit na galit ang mga alon
walang tigil ang hampas na tila ba nanghahamon
sila ba'y nananakot?
'di kaya sila napapagod?
sa paglalakad sa dalampasigan
tila gusto nila akong lumisan
ang tunog ng bawat hampas anaki'y sigaw na nagsasabing
umalis ka rito, hindi kita kailangan
saan nagmumula ang galit?
nadadama ko ang dalamhati at sakit
ng mga pusong umaawit
tumahan at kumalma kahit saglit
sa pagkakataong ito, kita'y naaalala
ang dalamhati at galit sa'yong mga matang nakita
at sa muling paglakad sa dalampasigan,
ikaw ang galit na mga alon na nanghahamon
ikaw yaong tila nananakot at 'di napapagod
mga alon na gusto akong palisanin kaya't patuloy akong sinisigawan
umalis ka rito, hindi na kita kailangan
makulimlim ang umaga
ang puso ko'y kalma
panibagong araw na naman
handa bang makipagsapalaran?
isang payak na tanawin ang natatanaw
habang sa bintana'y nagbabalik-tanaw
mga alaala ng kabataan
kay sarap balikan at muling doo'y manirahan
doo'y wala masyadong problema
sugat sa tuhod lamang ang iniinda
naghahabol dahil taya
umiiyak dahil nadapa
ano kayang mangyayari sa hinaharap?
may maganda pa kayang magaganap?
ngayon, tila ako'y isang patapon
nakakapangambang totoo iyon
alam kong hindi dapat sumuko
alam kong mararating din ang dulo
ngunit ang dulo ba ay kailan?
ni-hindi ko nga alam kung saan
diyos — diyos lang ang nakakalaam ng mga kasagutan nito
alam kong siya ang may hawak ng aking mundo
sa pag-iisip ng mga ito'y ayaw kong masiraan ng ulo
saanman at kailanman, mararating din ang dulo
n. meditation, reflection
mga salitang gustong kumawala sa utak at puso